Saloobing Pangwika ng mga Mag-aaral sa Baitang Anim sa Paggamit ng Meranaw sa Asignaturang Filipino: Isang Kaso ng Pag-aaral sa Elementarya ng Bubong Madanding
Nadjerah Exsan, Cherry Mae Villastique, Maricel Esoy, Rohannie Mamongcal, Alican PandapatanSiniyasat ng pag-aaral na ito ang saloobing pangwika ng anim na mag-aaral na Meranaw sa Baitang 6. Ginamit ang kwalitatibong disenyo, partikular ang kasong pag-aaral, upang makamit ang malalim at kontekstuwalisadong pag-unawa sa penomenon. Nagkaroon ng FGD at paggamit instrumento sa pagkuha ng datos. Sinuri ang mga datos gamit ang tematikong pagsusuri nina Braun at Clarke (2006) at isinaayos batay sa tatlong dimensyon ng saloobing pangwika ni Baker (1992) at sinuri sa tatlong oryentasyon sa wika ni Ruiz (1984). Nakita na ang anim na kalahok ay may masalimuot at multidimensyonal na saloobin sa paggamit ng Meranaw sa loob ng asignaturang Filipino. Ang kanilang mga pangunahing dahilan sa paggamit nito ay nakaugat sa pagiging natural at nakagisnan. Lumitaw na may malaking pagkakaiba sa kanilang kakayahang magpahayag sa dalawang wika: sa Meranaw, mas mahaba, mas malinaw, mas detalyado, at mas buo ang kanilang pagpapahayag, samantalang ang purong Filipino ay nagdudulot ng pagkabahala at limitasyon. Ang pagsasalin ng guro ng mga aralin sa Meranaw ay nagsilbing mabisang pantulong sa pag-unawa ng mga konsepto sa Filipino. Gayunpaman, ang labis na pagdepende sa Meranaw ay nagresulta sa limitadong bokabularyo at kasanayan sa Filipino. Binibigyang-diin na ang mga natuklasang ito ay nakabatay sa konteksto ng iisang paaralan at hindi maaaring igiit na kumakatawan sa lahat ng batang Meranaw. Ang pag-aaral ay naglalagom na ang Meranaw sa konteksto ng asignaturang Filipino ay hindi maituturing na simpleng problema; ito ay parehong yaman at hamon na nangangailangan ng balanseng pedagohikal na dulog. Ang mga natuklasan ay nagbibigay ng empirikal na batayan para sa pagpapaunlad ng inklusibo at sensitibong mga estratehiya sa pagtuturo ng Filipino na kumikilala sa unang wika bilang yamang pedagohikal.