Pagsusuri Sa Katangian at Pagganap Online Ng Gen Z Spoken Poetry Bilang Kasangkapan Sa Integratibong Pagtuturo Ng Panitikan Sa Baitang 10
Caberte, Mirasol D., Serdan, Geraldine A.Ang pananaliksik na ito ay tumatalakay sa pagsusuri ng katangian at pagtatanghal online ng Spoken Poetry ng mga kabataang Gen Z bilang kasangkapan sa integratibong pagtuturo ng panitikan sa Baitang 10. Layon nitong suriin ang mga likhang tula sa anyo ng spoken poetry batay sa mga elementong pampanitikan gaya ng tema, tugma, salitang ginamit, teorya, at bisang pampanitikan. Gumamit ang mananaliksik ng kwalitatibong disenyo at panunuring pangnilalaman sa pagsusuri ng sampung piling video ng Spoken Poetry mula sa Surigao City at Surigao del Norte. Isinagawa rin ang pagsusuri batay sa performance aspect tulad ng emosyon, intonasyon, at kumpas sa pagtatanghal. Lumitaw sa resulta na ang mga pyesa ng Gen Z ay karaniwang may temang pag-ibig, kabataan, panlipunang isyu, at pagmamalasakit sa bayan. Malaya ang estilo sa pagsusulat at hindi nakaangkla sa pormal na estruktura ng tradisyonal na tula. Namayani rin ang teoryang Romantisismo, Realismo, at Simbolismo. Sa aspeto ng pagtatanghal, masining ang pagganap ng mga kalahok sa pamamagitan ng galaw, kumpiyansa, at paggamit ng emosyon. Mula sa mga natuklasan, iminungkahi ng pananaliksik ang paggamit ng Spoken Poetry bilang interaktibong estratehiya sa pagtuturo ng panitikan upang mapalalim ang pag-unawa at interes ng mga mag-aaral. Binuo rin ang mungkahing disenyo ng aralin na angkop sa Ikalawang Markahan ng Baitang 10 upang lalong mapatibay ang pagtuturo ng tula sa makabagong paraan