K BIK: E-Kagamitang Pantulong Bilang Lunsaran sa Pagkatuto ng mga Mag-Aaral sa Kuwentong Bayan sa Dibisyon ng Camarines Norte
Liza Jane Tabalan, Edgar AbanAng pag-aaral ay naglalayong bumuo ng K BIK, isang e-kagamitan na magsisilbing lunsaran sa pagkatuto ng mga mag-aaral sa kuwentong bayan sa Dibisyon ng Camarines Norte. Tumugon ito sa karagdagang kagamitang pantulong sa pagtuturo ng kuwentong bayan sa Filipino upang tumaas ang antas ng kaalaman ng mga mag-aaral sa nilalaman, kultura at mensahe o aral na nakapaloob dito. Ginamit ang disenyong deskriptib-debelopmental-ebalwatib sa pagtukoy sa kalidad at bisa ng isinagawang pagtataya. Gumamit ang mananaliksik ng Stratified Random Sampling sa pagpili ng mga kalahok sa isinagawang pag-aaral at matukoy ang antas ng kaalaman bago at matapos gamitin ang K BIK. Binuo ang interaktibong kagamitan batay sa nilalaman, kultura at mensahe o aral at sumailalim ito sa balidasyon ng mga dalubhasa gamit ang DepEd LRMDS Evaluation Tool. Lumabas sa resulta na may makabuluhang pagtaas sa kaalaman ng mga mag-aaral matapos gamitin ang K BIK, gayundin ang mataas na antas ng katanggapan mula sa mga tagasuri. Napatunayan ang kabisaan ng K BIK bilang interaktibong kagamitan na lunsaran sa pagkatuto ng mga mag-aaral sa kuwentong bayan. Inirerekomenda ang paggamit ng K BIK sa lahat ng paaralan sa dibisyon upang magkaroon ng dagdag kagamitan sa pagtuturo ng kuwentong bayan na tinatalakay sa ikalawang markahan sa ikapitong baitang.