DOI: 10.66074/p6w4c9t2 ISSN: 3116-3009

Floraphic: E-Kagamitang Pantulong sa Pagtuturo ng Obra Maestrang Florante at Laura sa mga Mag-Aaral sa Dibisyon ng Camarines Norte

Shiena Barrameda

Nilayon ng pananaliksik na ito na makabuo ng Floraphic, isang E-kagamitang pantulong sa pagtuturo ng Florante at Laura upang mas mapadali at mapalalim ang pag-unawa ng mga mag-aaral sa nasabing obra maestra. Tumugon ito sa hamon ng makabago at interaktibong pagtuturo sa Filipino 8 sa ilalim ng MATATAG Curriculum. Gamit ang infographic, naisakonteksto ang talasalitaan, nilalaman, at aral ng akda sa isang biswal at teknolohikal na paraan, alinsunod sa pangangailangan ng ika-21 siglong mag-aaral. Gumamit ang mananaliksik ng disenyong deskriptiv-kwantitatib-debelopmental at pretest at posttest upang masukat ang antas ng kaalaman ng mga mag-aaral bago at matapos gamitin ang Floraphic. Nakapaloob sa instrumento ng pananaliksik ang estratehikong pagpili ng mga kalahok mula sa mga pampublikong paaralan na may malalaking populasyon sa Dibisyon ng Camarines Norte. Sinuri din ang antas ng katanggapan ng nabuong E-kagamitang pantulong batay sa kalidad at pakinabang, nilalaman, at teknikalidad gamit ang mga pamantayang itinakda ng Department of Education sa ilalim ng LRMDS Non-Print Tool. Ipinakita sa resulta na may makabuluhang pagtaas sa antas ng kaalaman ng mga mag-aaral matapos gamitin ang Floraphic gayundin, ang mataas na antas ng katanggapan mula sa mga eksperto’t guro. Pinatunayan ng pag-aaral na epektibong kasangkapan sa pagkatuto ang infographic-based E-kagamitan sa pagpapahusay ng kasanayang kritikal at tekstuwal. Iminumungkahi ang paggamit ng Floraphic bilang alternatibong kagamitang pantulong sa pagtuturo ng klasikong panitikan sa makabagong panahon.

More from our Archive