DOI: 10.66074/k8x2v5c7b ISSN: 3116-3009

Antas ng Paggamit at Pananaw sa Artipisyal na Intelehensiya ng mga Mag-aaral Sa Kolehiyo: Batayan sa Pagbuo ng Alituntunin para sa Responsableng Paggamit ng AI

Rheniel Mae Alcala, Cristy Alinsunurin, Samantha Claire Baloloy, Irish Joy Moras, Zijay Pereda

Ang mabilis na paglaganap ng Artipisyal na Intelehensiya (AI) sa larangan ng edukasyon ay nagbukas ng iba't ibang oportunidad at kasabay nito ay nagbigay ng mga hamon kaugnay ng responsable at etikal na paggamit nito. Ang pananaliksik ay naglalayong matukoy ang antas at pananaw ng paggamit ng kolehiyong tagapagkatuto sa Artipisyal na Intelehensiya (AI) sa kanilang akademikong gawain. Ang mga resulta ay magsisilbing batayan sa pagbuo ng isang alituntunin para sa responsableng paggamit ng AI. Gumamit ang mga mananaliksik ng mixed-method na disenyo partikular na ang explanatory sequential, na kung saan unang nakalap ang kwantitatibong datos na sinundan ng kwalitatibong datos. Binubuo ang mga respondente ng 178 na tagapagkatuto mula sa iba't ibang antas ng kursong Batsilyer ng Sekondaryang Edukasyon sa Larangan ng Filipino ng Pamantasan ng Cabuyao. Ginamit sa pag-aaral na ang stratified sampling technique upang matiyak ang tamang bilang ng mga respondente mula sa bawat antas. Samantala, para sa kwalitatibong bahagi pinili ang mga kalahok na may karanasan sa paggamit ng AI at nakapagsagot sa isinagawang sarbey. Lumabas sa pag-aaral na sumasang-ayon ang mga mag-aaral na nakatutulong ang AI sa paggawa ng kanilang presentasyon, takdang-aralin, akademikong sulatin, at pag-aayos ng gramatika. Batay sa resulta ng pananaliksik may makabuluhang pagkakaiba batay sa edad, antas, at pamilyaridad sa AI. Bagamat malaki ang naitutulong ng AI sa edukasyon hindi lubos na umaasa dito ang mga mag-aaral. Kaya naman mahalagang magkaroon ng malinaw na polisiya para sa responsableng paggamit ng AI sa edukasyon.

More from our Archive